SAFE MOTHERHOOD:  Ano ang ligtas na gamot para sa buntis?

wombstorydotcom

 

Image Source:  wombstory.com

 

Buntis ka ba at may iniindang karamdaman?  Alamin kung anong gamot ang ligtas para sa iyo at para kay baby. Siguraduhing walang negatibong epekto ang anumang iinumin, lalo na sa pagbubuo ng sanggol sa iyong sinapupunan.

Ilang mahahalagang paalala muna para sa mga buntis:

  1. Walang gamot ang 100% na ligtas. Ang gamot na ligtas para sa iba, ay maaaring hindi ligtas para sa iyo.  Kaya komunsulta muna sa iyong OB Gyne bago uminom ng kahit anong gamot kahit pa ito ay OTC o over-the-counter.
  2. Huwag sosobra sa rekomendadong dose o dami ng gamot.
  3. Hangga’t sa maaari ay huwag uminom ng kahit ano sa iyong FIRST TRIMESTER, dahil ito ay kritikal na panahon ng development ng sanggol sa sinapupunan. Ang pag-inom ng anumang gamot ay maaaring magkaroon ng epekto sa iyong sanggol.  Kung kinakailangan talaga, konsultahin at magpareseta sa iyong OB Gyne.
  4. Kung may prescription medicines na iniinom bago mabuntis, tanging ang iyong OB Gyne ang makapagsasabi kung ligtas ang patuloy na pag-inom nito habang ikaw ay buntis.

Para sa mga karaniwang karamdaman, narito ang mga generic na gamot na maaari para sa buntis:

Karamdaman Gamot
Allergy Antihistamines tulad ng mga sumusunod:  Chlorpheniramine (maaaring maging sanhi ng pagkaantok), Diphenhydramine (maaaring maging sanhi ng pagkaantok), Loratadine
Ubo at Trangkaso Guaifenesin (expectorant), Dextromethorphan (suppressant), Guaifenesin plus dextromethorphan, Cough drops, Vicks VapoRub

Warm salt/water gargle

Hindi ligtas ang mga sumusunod:

Mga gamot na may alcohol

Mga gamot na may decongestant na pseudoephedrine and phenylephrine, na maaaring makaapekto ng daloy ng dugo sa placenta.

Huwag rin uminom ng “SA” (sustained action) forms o “Multi-Symptom” forms ng mga gamot na ito.

Constipation Psyllium , Polycarbophil, Methylcellulose

Mga laxatives at pampalambot ng dumi (milk of magnesia)

Diarrhea Sa loob ng 24 oras, pagkatapos lang ng ika-12 na linggo ng pagbubuntis:
Loperamide, antidiarrheal medication
First Aid Oint­ment Bacitracin, Neosporin
Headache Acetaminophen / Paracetamol
Heartburn Antacids para sa heartburn

Simethicone para sa gas pains

Rashes Diphenhydramine

Hydrocortisone cream or ointment

Oatmeal bath

Yeast Infection at  Fungal Infection Clotrimazole, Miconazole, Terbinafine, Tioconazole, Butoconazole, Butenafine, Tolnaftate

TANDAAN:  Komunsulta muna sa iyong doktor o OB Gyne bago uminom ng anumang gamot.  Maging ang mga natural na gamot o supplements ay may mga nilalaman na maaaring makaapekto sa iyong baby, lalo na kapag sobra ang dami.

Para sa karagdagang impormasyon, maaaring magtanong sa mga doktor ng SafeBirth.

 

SOURCES:

http://www.webmd.com/women/pregnancy-medicine#1

https://www.babycenter.com/0_safe-medications-during-pregnancy_1486462.bc

#ITOANGSAFEMOTHERHOODSTORYKO: Jerica Diaz-Velarde

Jec 7

 

Mother:  Jerica Rose Diaz-Velarde

Edad: 29 yo

Bilang ng Anak:  Isa

Baby:  Ma. Ysabelle Genica Velarde

Birthday:  September 8, 2016

 

 

Q:  Paano mo ginawa ang exclusive breastfeeding sa 6 na buwan sa kabila ng pagiging OFW? 

A:  Noong unang dalawang linggo  naging mahirap ang pagpapadede ko kay Ysabelle dahil sabay kong iniinda ang sugat ng CS operation ko. Sa unang tatlong buwan baliktad ang araw at gabi dahil gising at active si Ysabelle sa gabi hanggang sa nasanay nar ako at sinasabayan ko nalang ang oras ng tulog niya. Every 2 hours ang latching sa akin ng baby ko at successful naman.

Noong ika-3rd month ni Ysabelle kailangan ko nang bumalik sa trabaho. Isa akong OFW sa Singapore at napagdesisyunan naming mag-asawa na isama si Ysabelle sa Singapore kasama ang aking mother-in-law para ma-continue ang breastfeeding journey namin mag-ina.

Jec 1

Suportado ng mga katrabaho sa Singapore ni Mommy Jec ang kaniyang breastfeeding

Q:  Paano mo napagpatuloy ang breastfeeding noong nasa ibang bansa na kayo? 

Blessed ako sa trabaho at sa mga ka-trabaho ko dahil suportado nila ang breastfeeding journey ko. 9.5hours ang kelangan ko gugulin sa isang araw sa trabaho. Imagine, kailangan ko mag excuse sa work place ko 4 times para mag pump every 2 hours at makaipon ako ng gatas para mauwi kay Ysabelle. At kapag off day ko naman sa work ay kailangan ko pa rin mag-pump para mas makaipon ako ng gatas pang-uwi sa Pinas. Literal na milk machine ako no’n!  Pero sa lahat ng pagod at puyat ko walang kasing sarap pagmasdan na malusog at malayo sa sakit ang anak ko.

Q: Ano ang nangyari noong naghiwalay kayong mag-ina?

A:  March 2017, kinailangan na namin ihatid sila Ysabelle pabalik ng Manila dahil tapos na ang tourist stay nila sa Singapore. Gustuhin ko man na makasama ang anak ko, hindi na puwede.  Malungkot at masakit para sa aming mag-asawa ang malayo kay Ysabelle pero kelangan namin tiisin dahil para sa kanya din naman itong sacrifices namin. Kailangan namin yakapin ang bawat hirap para sa kinabukasan ng pinakamamahal naming anak. May ginawang video ang aking asawa na si Gene at nagawa nyang ma-document ung araw ng pagalis namin pa-Singapore. Here is the link. 🙂  https://youtu.be/SuxI_nZGzxM

Jec milk

Nag-ipon ng gatas si Mommy Jec para sa panahong magkakahiwalay na sila ni Baby Ysabelle

I was able to keep a few stashes of my milk that lasted for another 3weeks. So ibig sabihin, EBF siya for 6 months and 3 weeks. I made sure na mauubos nya yung milk ni Mommy hanggang sa huling patak at ‘yon naman ang laking pasalamat ko sa mother-in-law ko dahil nagawa naman ‘yon.

Q:  Ano ang maipapayo mo sa working moms o sa mga OFWs na gustong mag-breastfeed?

A:  Tip number 1 para sa mga Mommy na babalik na sa opisina after maternal leave at maiiwan ang baby, maging buo ang loob mo lalo na kung gusto mo ipagpatuloy ang pag-breastfeed. ‘Di biro ang halong pagod at stress ng trabaho then mag-pupump ka pa sa workplace mo. Set your mind na kaya mo. Syempre top priority si baby kaya lahat ng bagay kakayanin alang-alang sa anak

Jec collage

Video call ni Mommy Jec at Baby Ysabelle

Tip number 2, ibigay ang buong tiwala sa taong magaalaga sa baby mo the moment na lumabas ka ng bahay. Siyempre kakamustahin mo sila sa free time mo pero don’t allow na ma-occupy ang isip mo dahil nagaaalala ka or namimiss mo si baby. Di sya makakatulong lalong lalo na sa sarili mo habang nasa workplace ka dahil di ka magfa-function 100% as an employee. Magkakaroon din ng kumpyansya sa sarili ang taong nagaalaga sa baby mo.

Tip number 3, ayusin lahat ng gamit for breastfeeding sa gabi para ‘di na magaayos sa umaga. Hugasan ng maigi at i-sterilize ang dalawang bote na gagamitin (para sa pumping). Make sure na may enough breastmilk bags at pentel pen sa bag para magamit sa pagsusulat ng date, oras at kung ilan ounces ang nakuha sa pagpump. Siguraduhin den na merong ice pack sa bag. Ilagay agad sa freezer ang ice pack pagdating palang sa opisina para matigas na ito after few hours.

Jec 2

Together again na sina Mommy Jec, Daddy Gene at Baby Ysabelle

Puso ang susi sa matagumpay na breastfeeding. Palaging isipin na si baby ang magbe-benefit nito kaya sulit lahat ng pagod.  Sa mga OFW, hindi biro ang lungkot sa ibang bansa kaya panalangin kong magkaroon pa kayo ng walang hanggang lakas ng loob at lakas ng katawan para mapagtagumpayan ang pagiging OFW.  God bless us all!

 

May Safe Motherhood Story ka ba na nais mong ibahagi?

Maaaring bisitahin ang aming Facebook page at i-message kami para ibahagi ang iyong karanasan.

 

#ITOANGSAFEMOTHERHOODSTORYKO: JANAINE TIFFANY VERGARA  

Janaine 3

 

Mother:  Janaine Tiffany Vergara

Edad: 25 years old

Bilang ng Anak:  Isa

Baby:  Stephany Zhaiyen Vergara Quiambao

 

 

 

 

Q: Paano kayo nakumbinsing mag-exclusively breastfeeding at bakit niyo pinili ito?

A:  Bago ako manganak marami akong nakasalamuhang ibang nanay na nagbreastfeed at hindi.  Kasama na rito ang best friend ko.  Sa unang anak niya hindi siya nagbreastfeed.  Mababa ang timbang at payat ang kaniyang first baby.  Sakitin rin at kahit anong formula milk ang ipainom hindi talaga tumataba.  Sipunin, at madalas magkalagnat at ubo kahit anong ingat o alaga ang gawin niya.  Ngayon mahigit 2 years old na pero payat pa rin at mahina kumain.

Janaine Collage 1

 

Nakasalamuha ni Mommy Janaine ang ibang nanay na nakapagbreastfeed

 

Samantalang sa kaniyang pangalawang baby masuwerte siya at nagkagatas na siya.  Ilang months pa lang ang baby pero ang healthy healthy, siksik at hindi sakitin.  Dahil sa nakita kong epekto nito, naisip talaga naming mag-asawa na pagsikapang mag-exclusively breastfeed sa una naming anak.

Q:  May mga pagsubok ba kayong napagdaanan sa breastfeeding?  Paano mo ito pinaghandaan?

Janaine asawa

 

Suportado si Janaine ng kaniyang asawa sa mga breastfeeding seminar

 

A:  Mula na rin sa mga kuwento ng ibang nanay, mahirap raw mag-breastfeed. Marami sa kanila hindi talaga nagkakagatas agad. Kaya kasabay ng regular na prenatal check up ko sa SafeBirth ay naghanap pa ako ng mga seminar na makakatulong sa akin.  Tatlong seminar pa ang pinuntahan ko para matutunan kung paano magiging matagumpay ang pagpapasuso.  Ang suwerte ko dahil full support ang asawa ko.  Kapag alam mo kasi na makakabuti ang epekto nito sa baby mo, tiyatiyagain mo talaga e.

Nung nanganak na ako doon ko nalaman na tama ang sabi nila na hindi ito madali.  Masakit at mahina ang paglabas ng gatas.  Pero dahil natutunan ko na lalakas ito basta ituloy-tuloy lang, nagpursige ako. Pagkatapos ng ilang araw, naging malakas na ang gatas ko pati na ang pagdede ni baby. Ngayon hindi na mapigilan ang gatas ko!  Kahit masakit ang dibdib ko, masaya ako dahil ang dahilan nito ay puno na ng gatas ang dibdib ko.

Janaine baby

 

Healthy si baby Stephany dahil sa gatas ng ina

 

Q:  Ano ang tips mo sa ibang nanay?

A:  Habang nasa sinapupunan pa si baby mag-aral na para maghanda sa breastfeeding.  Makakatulong talaga ito kung gusto niyong healthy si baby.  Kailangan lang tiyagain, huwag mag-give up agad.  Yung iba kasi akala wala silang gatas, susuko agad.  Tulad nang natutunan ko, alamin ang tamang lactation massage at puwede ring maging involved si mister para mas magaan.

 

 

 

 

 

May Safe Motherhood Story ka ba na nais mong ibahagi?

Maaaring bisitahin ang aming Facebook page at i-message kami para ibahagi ang iyong karanasan.

 

 

#ITOANGSAFEMOTHERHOODSTORYKO: Floriza Nolasco Gonzales

Iza 2Mother:  Floriza Nolasco Gonzales

Edad: 34 years old

Bilang ng Anak:  Isa (halos 4 years old)

Anak: Althea Berniz Nolasco Gonzales

 

Q: Paano kayo nakumbinsing mag-exclusively breastfeeding at bakit niyo pinili ito?

A:  Maraming naka-impluwensiya sa akin. Unang una ang kapatid kong si Midwife Bernadette na taga SafeBirth ay binigyan ako ng mga lectures tungkol sa pagpapasuso, pagbubuntis at sa pag-aalaga ng bata.  Hinikayat rin ako ng mga kaibigan ko na nagpapasuso ng mga anak nila. Sabi ng maraming ina, mabait at matalino raw ang mga batang laki sa gatas ng ina.

Sobrang tipid ng breastfeeding.  Ang formula milk gagastos ng Php 2000 per month.  Sa breastfeeding, libre!

Convenient rin ang breastfeeding.  Halimbawa sa gabi antok na antok ka at umiiyak ang baby.  Hindi na namin kinailangan tumayo, maglakad, at magtimpla ng gatas.  Kapag umaalis sa simbahan o sa mall, hindi na kailangan magdala ng malalaking bag para sa mga bote, kasi nasa akin na mismo ang gatas. Nabasa ko rin na mas malusog ang bata at mas matibay ang bonding sa nanay kapag nag-breastfeed.

Iza collage

 

Mula pagkapanganak hanggang lagpas 3 taon, sinikap ng gurong si Mommy Iza na painumin ng breastmilk si Baby Althea

 

Q:  May mga pagsubok ba kayong napagdaanan sa breastfeeding?  Paano niyo ito nalagpasan?

A:  Kinailangan ko kasing bumalik sa trabaho, sa pagtuturo.  Marami akong narinig na imposible nang mag-breastfeed kapag back-to-work na kaya nagalala ako na maipagpatuloy ang breastfeeding at maimbak ang gatas ko.  Pero tinuruan ako ng kapatid kong si Midwife Bernadette kung paano ko maiimbak ang gatas ko na hindi napapanis.  Nakapagkolekta ako ng gatas ko school kung saan ako nagtuturo.  Ginawa ko ito sa break time. Kapag umuuwi, breastfeeding na ulit.

Sinigurado ko rin na masustansiya ang kinakain ko.  Puro gulay, NO softdrinks, coffee, chocolates at junk foods.  Malaking bagay rin ang positive attitude!

 Q:  Ano ang naging epekto nito sa’yo at sa iyong anak na halos 4 years old na ngayon?

A:  Exclusively breastfeeding ako nang 2 years.  Then nag-mixed na kami ng breastmilk at formula hanggang 3 years and 6 months siya old siya.  Nitong May lang talaga siya tumigil mag-breastfeed.  Iba ang closeness naming mag-ina.  Kahit nagtratrabaho ako at naiiwan siya sa asawa ko o sa kasama naming sa bahay, ako pa rin ang favorite niya sa lahat.  Basta nakita na niya ako, sa akin lang siya sasama, at hirap akong umalis ng bahay, kasi sobrang humahabol siya. Nakakalaki ng puso kasi sobrang clingy niya sa akin.

Iza 4

 

Suporta ang SafeBirth staff sa breastfeeding ni Iza, lalo na ang kapatid na si midwife Bernadette

 

Sa unang taon niya, nagpa-Pedia lang kami para magpatimbang, kasi hindi siya nagkakasakit.  Unang sipon niya ay 9 months siya pero hindi malubha at bilang na bilang ang pagkakaroon niya ng lagnat.

Napansin ko na parang stronger and healthier ako since ngananak ako.  Hindi ako masyado nagkakasakit.
May Safe Motherhood Story ka ba na nais mong ibahagi?

Maaaring bisitahin ang aming Facebook page at i-message kami para ibahagi ang iyong karanasan.

#ITOANGSAFEMOTHERHOODSTORYKO: Ruby Ann Panlilio

Ruby Ann 3

 Mother:  Ruby Ann Panlilio

Edad: 30 years old

Bilang ng Anak:  8 na buwang buntis

 

Q: Bakit ka sumali ng Batang 1000 Program at ano ang natututunan mo rito?

A:   Noong Pebrero 2017 sumali ako sa Batang 1000 Program ng SafeBirth.  Doon ko nalaman na kami ay gagabayan sa kung ano ang tamang nutrition ng ina at baby mula sa sinapupunan hanggang siya ay mag-2 years old.  Bilang first time mommy natutuwa ako sa mga natututunan ko dahil nalaman ko na kailangan pala pati si mommy binabantayan ang nutrisyon dahil nakukuha rin ni baby ang nutrients na kinakain ko.

IMG_1123

Pagluluto ng masustansiyang putahe sa Batang 1000 Nanay Club

Doon ko nalaman na kapag hindi natutukan puwede palang epekto nito ang hindi tamang height at timbang ng bata at pagkakaroon ng mga sakit.  At kapag lumagpas ng 2 years old, mas mahihirapan nang ibalik ang nutrisyon na nawala para maging malusog ang anak mo.

Minsan kasi akala ng mga nanay kailangan lang bantayan ang kinakain kapag nakalabas na si baby.  At least natututo ako, at hindi lang ako buntis na naghihintay manganak sa bahay.

Q:  Sa paanong paraan nakatulong ang programa sa’yo?

A:  Masaya kasi nagkaroon na kami ng grupo ng mga nanay at may suporta sa isa’t isa.  May group chat na rin kami na kahit kailan puwede mag-message.  Malaking tulong kasi kapag may nararamdaman nakakahingi kami ng tips, lalo na sa mga nanganak na dati.

Ruby food

Prutas, Gulay, Isda: Ilan sa mga hinahanda sa Nutrition Class

Siyempre nakabantay rin sa nutrisyon naming mga ina. May mga libreng prenatal vitamins katulad ng Obimin kaya nakakatipid rin kami.  May Nutrition Class rin kung saan meron kaming iba-ibang menu for the day.  Lahat ng niluluo namin masustansya —  madalas isda o manok na may gulay, tapos may dessert kami na prutas.  Minsan ang ibang buntis naglilihi o naglalaway para sa ibang pagkain, pero dito nagkakaroon ng control at disiplina sa pagkain.  Iwas kami sa mga pampalasa na hindi maganda sa katawan at natutunan ko ang tungkol sa Sigla Pack na punong puno ng sustansya pero nagpapalasa rin sa pagkain.

Q:  Paano mo isinasabuhay ang mga natututunan mo?

A:  Inuulit ko sa bahay ang mga putahe.  Matagal na akong nagluluto pero nagkaroon ako ng mas maraming idea kung paano lulutuin ang pagkain kaya sa sunod ng araw pagkatapos ng klase, excited ako laging subukan!  Minsan dinadagdagan ko pa ng ibang gulay tulad ng amplaya, munggo, kalabasa, pechay.  Ngayon wala akong problema sa pagbubuntis, normal lahat kahit laki ng tiyan ko at development ni baby sa loob.  Kahit pamamanas, wala. Epekto siguro ito ng masustansyang pagkain dahil may posibilidad na may ibang maramdaman kung hindi tutok sa nutrisyon.

Natutuwa rin ako na nababahagi ko sa ibang nanay, lalo ‘yung mga first time, ang kaalaman ko.  Marami kasing nagugulat na ganun pala kahalaga na matutukan ang First 1000 Days.  Madalas ay hindi nila alam na mula sa sinapupunan hanggang paglabas ay importante ang kinakain ng ina at ng baby.

Ruby Ann group

Ruby Ann kasama ang ibang nanay sa Batang 1000 Novaliches

May Safe Motherhood Story ka ba na nais mong ibahagi?

Maaaring bisitahin ang aming Facebook page at i-message kami para ibahagi ang iyong karanasan.

 

#ITOANGSAFEMOTHERHOODSTORYKO: JOAN ALLURI PERCIL

IMG_0966

 

Mother:  Joan Alluri Percil

Edad: 31 yo

Bilang ng Anak:  Dalawa (2), 8 months ngayong buntis sa pangatlong anak

Mga Anak:  Jhoanne Khiro, Sofia Mariana

 

 

 

Q:  Ano ang naging karanasan mo sa SafeBirth sa iyong pangalawang baby?

6 months Sofia

6 months na buntis si Joan kay Baby Sofia

A:   Inirekomenda ng kapatid ko ang SafeBirth dahil doon nanganganak ‘yung kapitbahay niya.  Sa probinsya ko ipinanganak ang una kong baby.  Sa pangalawa, kay Baby Sofia, mas naging madali lahat.  Nung time na ‘yun wala pa akong masyadong budget, at naging abot-kaya naman.  Sobrang maasikaso ang midwife at ang staff, mababait. Naging kampante ako nung panganganak ko dahil inaccommodate nila ang mga request ko.

Q:  Bakit mahalaga sa’yo na kahit matapos maipanganak si Baby Sofia ay patuloy pa ring bumalik sa SafeBirth para magpa-check up?

A:  Bumabalik pa rin ako sa SafeBirth para ipacheck-up sa Pediatrician si Baby Sofia, kahit may konting sakit lang.  Sa panahon kasi ngayon kapag hindi naasikaso o naagapan, kapag lumaki na sila baka iyong mga hindi naagapan na sakit pala na ‘yon ang maging dahilan ng iba pang sakit. Mas maganda ma-monitor at mapayuhan ng doktor para malaman ang gagawin habang mas maaga.

Yung panganay ko sinimulan na rin i-check up ng Pedia namin na si Dr. Margie Ibañez.  Mukhang may allergy pala siya.  Akala ko dati normal lang, baka dahil malamig, sinisipon siya.  Pero hindi mawalawala.  Ayun pala allergy kaya niresetahan na siya ni Doc ng gamot.  Sabi rin ni Doc medyo mababa ang timbang niya.  Yung mga ganitong alalahanin sana ang iniiwasan ko para sa mga babies ko.  Kaya importante sa akin na magpa-Pedia.

Joan collage

Alaga ng Pediatrician na si Dr. Margie Uy-Ibañez ang happy at healthy na si Baby Sofia

Q:  Bakit naging mahalaga sa’yo na makumpleto ang kaniyang bakuna? 

A:  Lumaki kasi kami sa pamilya na kumpleto ang pagpapabakuna sa health center.  Kapag pinabakunahan kasi makakaiwas at may panlaban sa mga sakit na puwedeng dumapo sa kanila, para maging malusog sila hanggang paglaki nila. Pero ngayon talagang pahirapan na sa health center.  Sa panganay ko noon dadating kami ng 7 AM para pumila, lalabas kami 1 PM na.  Minsan hindi pa available ang bakuna, pababalikin ka pa.  Yung presyo ng SafeBirth sulit na sulit na dahil makakapag-schedule ka ng maayos, kahit text lang sa Pedia, kaya hindi sayang ang oras at siguradong may stock. Napakarami pang ginagawa ng mga nanay tulad ko, kaya importante ang oras.

Q:  Ano ang plano mo para sa pangatlong baby mo at ano ang tip mo para sa ibang nanay?

A:  Dahil sa mga natutunan ko sa una kong dalawang anak, ipagpapatuloy ko lang yung pagpapacheck-up mula sa OB hanggang sa Pedia para sa bago kong baby.  Mahalagang matutukan ang timbang at ang regular na check up para lumaki siyang malusog at nakakapag-isip ng mabuti.  Siyempre makakampante rin ako.

 

May Safe Motherhood Story ka ba na nais mong ibahagi?

Maaaring bisitahin ang aming Facebook page at i-message kami para ibahagi ang iyong karanasan.

 

 

#ITOANGSAFEMOTHERHOODSTORYKO: ROSE LYN CLEMENTE

IMG_0525

 

Mother:  Rose Lyn Clemente

Edad: 29 yo

Bilang ng Anak:  Isa;  ngayon ay 5 buwan na buntis sa pangalawang anak

 

 

 

 

 

Q: Ano ang naging karanasan mo sa pampublikong ospital sa una mong panganganak?

A:   Noong una kong pagbubuntis 22 years old pa lang ako.  Wala pa akong masyadong alam, at siyempre mas nagtitipid rin.  Sa check-up pa lang kailangan 4 am gising na kasi dapat 6 am dapat nakapila ka na.  Sobrang haba ng pila, kahit 7 am pa sila magpapapasok.  May cut-off pa ‘yon, kaya kapag hindi ka umabot babalik ka pa sa ibang araw. Matatapos ka sa check-up before lunch o tanghali na.

Noong manganganak na ako, hindi ko rin nagustuhan kung paano makitungo ang mga doktor at nurse sa amin.  Hindi sila maingat sa pagsasalita nila, kumbaga, harsh. May nagtanong na, “O ano, manganganak ka pa ba?” sa tonong hindi ko nagustuhan.  Sabi ng iba nagpapalakas lang raw ng loob pero siyempre kapag bago kang ina at nahihirapan ka hindi mo magugustuhan ‘yon.

Expected ko na alam na nila ang history ko dahil doon naman ako nagpapacheck up. From normal na pagbubuntis naging high risk kasi ang kondisyon ko.  Nagulat ako nilagay pa rin nila ako sa normal na public ward, at hindi kasama ng mga high risk.  Mas marami kami doon, mga 3 to 4 kaming sharing sa isang kama.  Sandali lang puwede pumunta ang mga bisita at tagapag-alaga.  Ang asawa ko sa parking lot natutulog kasama ang ibang mga asawa ng mga nanganak.  Mahalaga sana sa akin noon na may makatuwang, pero hindi puwede.

Naiiyak na lang ako noon.  Gusto ko na lang talaga umuwi pero hindi naman puwede.  Sabi nila kapag sa public (hospital) ka raw nanganak wala kang karapatan magreklamo.  Sobrang traumatic talaga.  Sabi ko sa sarili ko magpupursige ako magtrabaho para sa susunod kaya ko nang magbayad.

Lhen 2

Si Mommy Lhen at ang kaniyang panganay

Q:  Paano ka napunta sa private lying in at bakit mo napagdesisyunan na dito manganak?

A:  Noong una medyo natakot akong mag-lying in dahil akala ko walang OB.  Dahil sa lifestyle ko na may ilang bisyo, alam kong mas magiging kampante ako sa doktor.  Pero dahil na rin sa mga kuwento ng nanay ko at ilang kakilala, naghanap ako ng maayos na lying in.  Binaybay ko ang Congressional Avenue sa Quezon City at itinuro ako sa SafeBirth.

Sobrang thankful ko na napunta ako sa SafeBirth.  Ngayon may isang OB na nakatutok sa pag-aalaga sa akin.  May bleeding akong nararanasan pero kahit 10 pm na ako magtext o tumawag sumasagot pa rin siya.  Napakabait ng mga nag-aalaga.  Ibang-iba talaga.  Napakahirap magbuntis, at malaking ginhawa kapag magaling mag-aalaga ang lying-in mo.

Halos pareho ang presyo nito sa ibang private facilities pero iba talaga ang alaga at malasakit ng OB dito.  Sa iba, kung anu-anong laboratory tests ang pinapagawa na parang hindi naman kailangan.  Sa SafeBirth kung ano lang talaga ang kailangan at hindi kami inoobliga kung saan kukuha ng laboratory.  May choice ka.

Lhen collage

Happy ang buong family sa SafeBirth check up ni Mommy

Q:  Mairerekomenda mo ba ito sa ibang nanay na katulad mo?

A:  Kahit hindi pa ako nanganganak, kinukumbinse ko na ang mga kakilala kong buntis at mga kapitbahay na subukan ang SafeBirth.  Plano nilang magpunta sa public hospital pero kung gastusin ang iniisip nila, sinasabihan ko silang magagamit dito ang PhilHealth.  Mababait ang mga doktor at nurse, at maayos at malinis ang lugar.

 

May Safe Motherhood Story ka ba na nais mong ibahagi?

Maaaring bisitahin ang aming Facebook page at i-message kami para ibahagi ang iyong karanasan.

 

PRENATAL VITAMINS: Anu-ano at para saan nga ba ito?

Batang 1000 -prenatal vitaminsAng pagkain ng tama at sapat ay mainam para sa mga nagbubuntis. Ngunit ang nutrisyon na dapat matanggap ay maaaring kulang kahit marami ang kinakain. Ang pag-inom ng prenatal vitamins ay makakadagdag ng nutrients na kinakailangan ng ating katawan lalo na sa panahon ng pagbubuntis.

Anu-ano nga ba ang mga prenatal vitamins na dapat inumin ng mga buntis?

Folic acid. Sa panahon ng pagbubuntis, importanteng may sapat na folic acid na matanggap ang isang babae. Ang folic acid ay nakatutulong para maka-iwas sa mga depekto sa utak at spinal cord ni baby. Kinakailangan din ito ng katawan upang gumawa ng red blood cells upang maiwasan ang isang klase ng anemia. Bukod pa rito, ito rin ay importante sa mabilis na paglago at produksyon ng mga cells para sa inyong placenta (inunan) at sa pagbuo kay baby.

Calcium. Ang calcium ay mahalaga din sa inyong pagbubuntis upang maging matibay ang buto ng nanay at ng sanggol. Kung kaya’y hinihikayat ang bawat buntis na uminom ng calcium upang patibayin ang mga buto.

Iron.   Ang iron ay ginagamit ng ating katawan para matustusan ang lumalaking sanggol at inunan, at para may karagdagang dugo si mommy at baby. Ito rin ay tumutulong sa pagpapalakas ng immune system ng mga mommy. Ang iron deficiency ay karaniwan rin sa mga nagbubuntis. Kung ang isang nagbubuntis ay may iron deficiency, maaaring maging sanhi ito ng preterm delivery (panganganak ng maaga) o low birth weight (mababang timbang sa paglabas ng sanggol).

Multivitamins.  Ang multivitamins ay nakatutulong sa pagpapalakas ng resistensya ng buntis para makaiwas sa sakit ang ina at sanggol.

Vitamin D. Ito ay tumutulong upang mapanatili ang tamang antas ng calcium at phosphorus na kinakailangan sa pagbuo ng buto at ngipin ng iyong sanggol. Ayon sa mga pag-aaral, ang vitamin D ay maaaring makatulong na makaiwas sa gestational diabetes, preterm delivery at mga impeksyon.

Ilan lamang ito sa mga dapat inumin ng mga buntis. Upang malaman pa ang mga supplements na makatutulong sa inyong pagbubuntis, komunsulta sa inyong medical providers (midwife o doktor).

 

Source:

http://www.webmd.com/vitamins-supplements/ingredientmono-1017-folic%20acid.aspx?activeingredientid=1017&

https://www.babycenter.com/0_folic-acid-why-you-need-it-before-and-during-pregnancy_476.bc

https://www.ncbi.nlm.nih.gov/books/NBK235217/

http://www.webmd.com/baby/are-you-getting-enough-iron

http://www.webmd.com/baby/news/20100504/high-doses-of-vitamin-d-may-cut-pregnancy-risk#1

http://americanpregnancy.org/pregnancy-health/vitamin-d-and-pregnancy/

https://www.babycenter.com/0_vitamin-d-in-your-pregnancy-diet_661.bc

#ITOANGSAFEMOTHERHOODSTORYKO: DR. GENIE DE LUMEN

Dr. Genie 10

Name: Dr. Genie B. De Lumen

Trabaho: OBGYN (obstetrician-gynecologist)

Bilang ng taon sa trabaho:  7 years

Edad:  42 years old

Bilang ng anak:  3

Babies delivered:  mahigit 500 babies

 

 

Q:  Paano nakatulong ang pagiging ina niyo sa inyong pagiging OB?

A:  Noong mga 25 years old ako, during internship at nakaka-encounter ako ng mga buntis na pasyente, alam ko namang masakit talaga lalo kapag nagkakaroon sila ng uterine contractions.  Pero minsan kapag hinawakan ko sila at sobra-sobra ang pag-iyak nila o pag-inda nila ng sakit naiisip ko baka nag-iinarte lang itong mga nanay.

Thirty years old ako sa una kong pagbubuntis at GP (General Practitioner) noong panahon na ‘yon.  Noong nag-labor ako, doon ko fully na-appreciate ang pain ng mga mothers.  Sobrang sakit pala! Halos 15 hours akong nag-labor at na-CS ako.  Kinailangan nang gawin ang induction of labor, at binigyan ako ng gamot pampahilab.  Sobrang sakit pala talaga.

Ang tendency kasi kapag single kang OB, medyo maiisip mong okay lang yan, mababaw lang.  Pero kapag naranasan mo na bilang nanay, hindi mo na mamaliitin at mas ma-aappreciate mo na ang pain ng buntis. Alam mo nang hindi sila nag-iinarte lang.

Q: Sa paanong paraan ninyo natutulungan ang mga nanay na inyong inaalagaan?

Dr. Genie 7

Dahil sa sariling karanasan, mas naiiintindihan na ni Dr. Genie ang sakit na nararamdaman ng mga ina sa panganganak.

A:  Noong mas naiintindihan ko na yung klase ng sakit na nararamdaman ng mga nanay, mas nakakapagbigay na ako ng advice kung anong dapat gawin.  Kapag sinabi nila kung anong klaseng sakit, alam ko na kung ano ang normal at kung ano ang emergency. Minsan matindi ang pag-aalala nila.  Mas kaya ko nang sabihin na yung ganung sakit ay normal at hindi kailangan alalahanin. Dahil sa experience ko, mas napapaliwanag ko at nababawasan ang kanilang pag-aaalala.  Malaking bagay para sa isang nanay na mabawasan ang kaniyang pag-aalala sa kabila ng lahat ng bagay na iniisip at sakit na nararamdaman ng isang buntis.

Kahit yung mga bagay na specific katulad ng kung anong puwedeng  gawin sa sakit, at kung paano tatayo sa kama kapag na-CS, napapayuhan ko sila.  Hindi kasi sa lahat ng oras ay nariyan ang asawa nila at may tutulong sa kanila.  Sa palagay ko hindi iyon itinuturo ng lahat ng OB, kaya natutuwa naman sila.

Q: Ano ang mga bagay na ginagawa niyo para maramdaman ng mga ina ang inyong malasakit bilang OB?

A:  Natutuwa talaga ako na na-a-appreciate ng mga nanay ang ginagawa ko.  Gusto nila yung pagbabahagi based on experience, at hindi lang sa studies.  Isa pang mahalaga ay dapat matutong makinig sa pasyente, hindi lang ang doktor ang laging nagsasalita.  Maganda na open ang communication.  Ako ‘yung doktor na ipinamimigay ko ang number ko.  Kasi mahalaga sa mothers na maramdaman nilang safe at panatag sila kapag nakakausap nila ang doktor nila anytime.  Libre ang salita sa akin.  Hindi rin sumasama ang loob ko kung sakaling kailanganin lumipat ng facility o doktor ang pasyente.  Kinakamusta ko pa rin sila at ang gusto ko lang malaman ang lagay nila.

Dr. Genie collage

Tulad ng ibang ina, binabalanse ni Dr. Genie ang panahon sa pamilya at sa trabaho

May Safe Motherhood Story ka ba na nais mong ibahagi?

Maaaring bisitahin ang aming Facebook page at i-message kami para ibahagi ang iyong karanasan.