Hello, Buntis! Alam mo ba kung ikaw ay may gestational diabetes?
Ang kondisyon na ito ay nangyayari sa mga buntis kung saan tumataas ang blood sugar level. Dahil sa mga pagbabago sa katawan, partikular na sa hormones ng isang buntis, hindi gumagana nang maayos ang hormone na insulin kung kaya tumataas ang glucose o asukal sa dugo.
Sino ang mga maaaring magkaroon nito?
Lahat ng buntis ay maaaring magkaroon ng Gestational Diabetes pero mas malaki ang tsansa ng mga sumusunod na babae:
- Higit 25 ang edad sa pagbubuntis
- May diabetes sa pamilya
- Labis ang timbang (overweight) o obese sa pagbubuntis
- Nakunan (miscarriage)
- Malaki o mabigat ang timbang ng mga naunang pinanganak na sanggol
- May high blood pressure o pagkakaroon ng sobrang daming amniotic fluid
Ano ang mga sintomas nito?
Maaaring mild o hindi mapansin ng isang buntis kung mayroon siyang diabetes. Pero maging alerto kung nakakaranas ng mga sumusunod:
- Pagkapagod o pagkahapo (fatigue)
- Pagkauhaw
- Madalas na pag-ihi
- Pagbabawas ng timbang
- Madalas na pagkagutom
- Pagsusuka
- Yeast infection
- Paglabo ng paningin
Ano ang mga kumplikasyon o epekto nito?
Hindi ito dapat isawalang-bahala dahil sa mga posibleng epekto sa kalusugan ni mommy at baby:
- High blood pressure sa ina
- Pagtaas ng tsansa para sa Caesarean Section Delivery (CS)
- Maagang panganganak o Premature birth
- Type 2 Diabetes kung hindi nawala ang diabetes pagkatapos manganak
- Mataas na timbang ng sanggol
- Hypogycemia o low blood sugar para sa sanggol
Ano ang dapat gawin?
Hindi kailangang agad agad na uminom ng gamot para sa Gestational Diabetes, sundin lang ang mga tips na ito:
- Komunsulta sa OB o midwife para sa iyong regular na Prenatal Check-up. Sila ang makakapagsabi kung ano ang mga tests na kailangan gawin sa iyong kondisyon. Sa kanila rin malalaman kung kailangan ng gamutan o ng insulin.
- Kumain ng masustansiya at sapat na pagkain.
- Mag-ehersisyo o magkaroon ng sapat na pisikal na aktibidad, ayon sa payo ng iyong doktor.
- Regular na subaybayan o i-monitor ang iyong blood sugar level.
Hindi mahirap tugunan ang kondisyon na ito kung maaagapan. Huwag hintaying maranasan ang mga kumplikasyon at panganib sa kalusugan para kay mommy at baby. Maaaring komunsulta sa mga midwife o doktor, at sumangguni tungkol sa mga tests tulad ng CBG (Capillary Blood Glucose) , FBS (Fasting Blood Sugar) , OGTT (Oral Glucose Tolerance Test) at OGCT (Oral Glucose Challenge Test) sa SafeBirth .
Sources:
https://www.babymed.com/diabetes/gestational-diabetes
https://www.ritemed.com.ph/articles/mga-epekto-ng-gestational-diabetes-at-mga-tips-para-dito