Gatas ng Ina Bida sa Panahon ng Sakuna: Mga Tunay na Kwento

Ang Barangay Tatalon sa Quezon City, kung saan tabi-tabi ang kabahayan ay hindi ligtas sa nakakapaminsalang pagbaha tuwing malakas ang ulan. Apektado ang maraming pamilya sa lugar pero hindi ito naging sagabal sa ekslusibong pagpapasuso ng ilang mga ina sa lugar.  Gatas ng ina ang naging sandata nila laban sa pagkagutom at pagkakasakit ng kanilang mga sanggol sa panahon ng sakuna.

qc-flood-drill2-73114

IMAGE SOURCE: www.rappler.com

First time mommy si Baby Jane Santos at dalawang buwan pa lamang ang kaniyang sanggol na si MJ nitong Agosto 2016.  Dahil sa walang humpay na pag-ulan na dulot ng habagat, naging lagpas-tao ang baha sa lugar nila.  Dala lamang ang damit na suot, kinailangan nilang mag-evacuate sa mas ligtas na lugar. Ang covered court ang nagsilbing tahanan nila sa loob ng mahigit dalawang araw. Tatlo pang ibang pamilya ang naging kahati ng pamilya ni Baby Jane sa kanilang espasyo sa basketball court. Simula pagkapanganak kay MJ ay ekslusibo niya itong pinasuso.

img_5071

Mommy Baby Jane and Baby MJ

“Sabi nila mas mabuti magpadede dahil hindi nagiging sakitin ang bata at mabilis lumaki.  Sa dalawang buwan, mabilis ang lumaki si MJ, naging mabigat at mataba,” ayon kay Baby Jane.

Sa kabila ng kanilang sitwasyon sa evacuation center hindi siya nahirapang pakainin ang anak.  Habang sila ay umaasa sa limitadong relief goods, mabuti na lang at tuloy-tuloy ang kaniyang supply ng gatas.  Dagdag pa ni Baby Jane, “Nakakatipid din po kami dahil hindi na kailangan bumili ng gatas.  Diaper na lang ang kailangan pagkagastusan noong panahon na ‘yon.”  Matapos ang malakas na ulan, sa kabila ng paglaganap ng sakit tulad ng ubo, sipon at diarrhea na karaniwang nangyayari sa panahon ng sakuna, nanatiling malusog ang sanggol na si MJ.

Maging ang tatlong anak ni Rosalie Romano na mula rin sa Barangay Tatalon ay hindi kailanman pinainom ng formula milk. Hindi naging hadlang ang ulan at bahang dulot ng habagat noong taong 2012 sa kaniyang pagpapasuso sa bunsong anak na si Eloisa Mae na ngayon ay apat na taong gulang na.  “Sa kahirapan ng buhay ngayon, mas tipid ang pagpapasuso.  Mas madali rin dahil hindi na kailangan magtimpla ng gatas at hindi pagising-gising sa gabi,” kuwento ni Rosalie.

img_5183

Mommy Rosalie and Eloisa Mae

Mahalaga ang nutrisyong nakukuha ng inang nagpapasuso.  Ayon sa kaniya, “Kapag hindi maayos ang pagkain, kakaunti ang gatas.  Maganda kung masustansya  tulad ng isda, at gulay tulad ng malunggay at kalabasa.”   Dahil limitado ang kanilang pagkain at lahat ng tindahan ay sarado, malaking tulong ang suporta ng kaniyang pamilya sa pamamagitan ng pagbibigay ng sapat na pagkain para patuloy na magkapagpasuso noong panahon ng kalamidad.

“Lahat ng anak ko malakas, at hindi pasaway.  Hindi sila gaanong nagkakasakit at kung magkaroon man ay lagnat-lagnat lang,” pagmamalaki ni Rosalie. “Aanhin mo ang ibang gatas, kung mayroon ka naman.  Mabuti na sa kalusugan, hindi pa nauubusan.”

 

Gatas ng Ina: Sagip-Buhay para sa mga Sanggol sa Panahon ng Kalamidad 

Ang Pilipinas ay hindi ligtas sa mga panganib na dulot ng bagyo, baha, lindol at tsunami.  Ayon sa 2015 World Risk Index report ang Pilipinas ay pangatlo sa mga bansang pinaka malapit sa kalamidad sa buong mundo.  Sa pagtataya ng PAGASA, ang nararanasan nating mga pag-ulan ay maaaring umabot hanggang Disyembre lalo na sa pagpasok ng naka-ambang La Niña.

IMG_0232

Sa panahon ng sakuna, pinakamataas ang pagkakasakit at pagkamatay sa mga bata at sanggol.  Mas bata ang edad, mas mataas ang panganib.  Kung kaya ang mga sanggol na may edad anim na buwan pababa ang dapat bigyan ng pangangalaga.  Kapag nakainom ang mga sanggol ng gatas na may kontaminadong tubig, o nakalagay sa maruming bote, maaari silang magkasakit ng diarrhea at mamatay sa loob lamang nang ilang oras.

Dito maaasahan ang kagalingan ng breast milk. Narito ang ilan sa mga dahilan kung bakit pinakamainam ang gatas ng ina sa panahon ng kalamidad:

IMG_3789

Breast is best.

Ang gatas ng ina ang nagbibigay ng pinakamataas na proteksyon sa sanggol laban sa mga sakit, tulad ng respiratory diseases, pagtatae at malnutrisyon na maaring ikamatay ng sanggol. Pinalalakas ng gatas ng ina ang resistenya ng mga bagong panganak na sanggol upang mapanatili silang malusog.

Tandaan na sapat at angkop ang sustansya ng gatas ng ina para sa sanggol. Hindi matutumbasan ng formula milk ang sustansya at benepisyo nito.

Posible ang pagpapasuso sa kahit anong panahon.

Ito ay nananatiling ligtas ano man ang klima, tag-araw man o tag-ulan. Makakaiwas ang sanggol mula sa panganib ng pag-inom ng kontaminadong tubig na maaring idulot ng formula feeding.  Hindi na nangangailangan ng ano pa mang kagamitan tulad ng bote at tsupon na maaaring magkaroon ng mikrobyo.

Ang pagpapasuso ay nabibigay-ginhawa sa ina at sanggol.

Dahil sa oxytocin o mas kilala sa tawag na happy hormone na aktibo sa katawan ng ina sa panahon ng pagpapasuso ay nagiging kalmado ang pakiramdaman ng nanay. Naibibigay din ito ng pisyologikal at emosyonal na pangangailangan ng sanggol. Nararamdaman niya na patuloy siyang inaaruga at minamahal ng mga tao sa kaniyang paligid.  Nababawasan ang tensyon at stress na nararamdaman ng mag-ina sa kapag nakakaranas ng sakuna.

Ito ay hindi nakapipinsala sa ating kapaligiran.

Dahil hindi kailangan ng gamit tulad ng bote at tsupon, nakakaiwas tayo sa lalong pagpapalala ng kalagayan ng ating kapaligiran na nagdudulot ng climate change hazards.  Wala itong iniaambag sa pagkasira ng ating kalikasan na dulot ng mga basura tulad ng plastik, bote, karton at foil. Hindi rin ito lumilikha ng polusyon na karaniwang nililikha ng paggawa ng formula milk.

Ang pagpapasuso ay LIBRE, ANGKOP, SAPAT at LIGTAS.  Sa katunayan, hindi lang ito pagkain bagkus ay nagsisilbing gamot at proteksyon para sa mga sanggol. ‘Di matatawaran ang benepisyo nito hindi lang para sa ina at sanggol, kung hindi para sa buong komunidad.

Sa panahon ng disaster kung saan libo-libong biktima ang nangangailangan ng tulong mula sa gobyerno o ibang institusyon para tugunan ang pangangailangan sa pagkain at gamot, siguradong maasahan ang natural na biyaya ng gatas ng ina. ###

Sources:

http://www.nnc.gov.ph/39-featured-articles/1636-action-against-hunger-urges-pres-duterte-to-drive-change-on-development-issues-in-the-philippines

http://www.gmanetwork.com/news/story/323652/lifestyle/healthandwellness/unicef-mothers-should-continue-to-breastfeed-in-disasters-emergencies

http://www.who.int/mediacentre/news/releases/2013/philippines-breastfeeding-20131128/en/