
Mother: Lormie Agamata-Campos
Age: 27 years old
Bilang ng Anak: Dalawa (2)
Baby: Daenerys Faustin Malorie Campos
Birthday: July 18, 2019
Q: Kamusta ang naging karanasan mo sa breastfeeding sa iyong unang anak?
A: Na-CS (caesarean section) ako sa una kong anak na si Djoko. Unfortunately, hindi siya nakapag-latch o dumedede ng direkta sa akin. Two and a half years ago nung pinanganak ko siya, hindi rooming in ang CS cases sa ospital na pinag-anakan ko. Pagkatapos ng trial labor, at napagpasiyahan na hindi kaya ng normal delivery, medyo maraming epidural anesthesia ang ibinigay sa akin. Kaya talagang groggy at tulog ako pagkatapos. Sa loob ng 12 na oras nasa NICU si Djoko at nakahiwalay sa akin. Pinainom siya ng breastmilk pero gamit ang syringe at cup. Nung nagising ako hindi nagla-latch si Djoko sa akin. Hanggang sa paglabas namin sa ospital at kahit sumangguni ako sa lactation consultant, ayaw pa rin ni Djoko mag-latch.
Pero kahit ganun, nagpursige pa rin ako na breastmilk ang ipainom sa kaniya. Buti na lang at may nagpahiram sa akin ng breast pump. Alam ko kasi na importante ang breastmilk bilang immunization ni baby, at cost effective ito dahil mahal ang gatas. Dahil sa 12 hours na wala kaming skin-to-skin contact parang hindi nasanay si Djoko sa natural na amoy ko, na nakaapekto sa breastfeeding ko sa kaniya.

Q: Ano ang naging pagbabago sa iyong breastfeeding journey sa pangalawang anak mo na si Daenerys Faustin?
A: Dahil sigurado na akong CS ulit para sa pangalawa kong anak, nagkaroon ako ng fear na mauulit ang nangyari noon. Naisip ko during recovery ay hindi ulit rooming in ang mangyayari sa amin ng anak ako. Nagulat ako na habang tinatahi ako, ay ipinatong agad sa akin ang anak ko para magkaroon ng skin-to-skin contact. Parang nagkaroon na rin ng pagbabago sa protocol ng ospital para sa CS cases. Dahil rin siguro mas konti na ang epidural anethesia na inilagay sa akin at gising ako, hinayaan nilang nakapatong sa dibdib ko si baby habang tinatahi ako. Hindi nila tinanggal hanggang naging successful ang latching niya sa akin. Inalalayan pa siya ng Pedia sa pag-latch kaya naman naging madali ito sa kaniya. Pagka-latch niya saka lang siya tinanggal para isagawa ang newborn care.

Q: Ano ang mahalagang mga aral na natutunan mo sa iyong breastfeeding journey?
A: Sobrang natuwa ako kasi pagkatapos noon, ay hindi na ako nagkaroon ng kahit anong problema sa pagpapasuso kay Baby Faustin. Sobrang eager niyang dumede sa akin at walang problema sa pag-hakab. Siyempre dahil first time ko magpadede at makapagpa-latch ay masakit nung unang linggo. Pero tiniis ko at nakatulong ang pagpahid ng vigin coconut oil (VCO). Talagang unlimited latch ako sa kaniya para tuloy tuloy ang production ko ng gatas. Doon ko nakita ang pagkakaiba ng direct breastfeeding. Talagang mas may bonding kami ni baby. Parang in sync kahit mga katawan namin, kasi parang alam ng katawan ko kung gutom na ang baby ko.
Ganun pala talaga kaimportante ang EINC (Essential Intrapartum and Newborn Care) at magkaroon agad ng skin-to-skin contact si baby at mommy within the first few hours. Kapag naipa-latch siya agad, yun na ang magiging natural sa kaniya at makakasanayan niya kaya mas magiging successful ang breastfeeding.
May Safe Motherhood Story ka ba na nais mong ibahagi?
Maaaring bisitahin ang aming Facebook page at i-message kami para ibahagi ang iyong karanasan.