Ang Pap smear test o Papanicolaou test ay ginagawa para malaman ang posibilidad na magka-cancer ang cervix (o puwerta ng matris) ng isang babae. Kung ang kondisyon ng cervix ay makikita ng maaga, ito ay maaring maagapan o magamot bago pa man lumubha. Tandaan na walang sintomas ang cervical cancer sa umpisa.
Mga Babaeng dapat magpa-Pap Smear:
- Lahat ng babae na nag-umpisang makipagtalik ay dapat na regular na nagpapa-Pap Smear taon-taon.
- Rekomendado para sa lahat ng kababaihan edad 21 pataas.
- Maging ang mga babaeng nag-menopuase na o nagkaroon ng hysterectomy ay hinihikayat pa ring magpa-Pap Smear
Mahalagang Mga Paalaala Bago Isagawa ang Pap Smear:
- Dapat ay walang regla o menstrual period kapag pinagawa ito. Pinaka mainam na isagawa ito 10-20 na araw bago at pagkatapos ng regla.
- Huwag makipagtalik 48 na oras bago isagawa ang Pap Smear.
- Dapat ay hindi maglagay ng kahit ano sa puwerta, gaya ng tampon, spermicides, vaginal foam, jellies, cream, wash, gamot, o kahit anong kemikal.
Ang lahat ng ito ay maaaring maka-apekto sa resulta ng Pap Smear
Mga Resulta:
- Maaaring maging “normal” or “abnormal” ang resulta ng Pap Smear.
- Ang pagkakaroon ng abnormal na resulta ay hindi agad nangangahulugan na may cervical cancer ang isang babae.
- Para sa abnormal na resulta, dapat ay sumangguni sa espesyalista at magkaroon ng follow-up check-up at mga diagnostic tests ang babae para makumpirma ang estado ng cervix.
Tulad ng ibang cancer, ang cervical cancer ay maaaring maagapan kung makikita ito ng maaga. Maging sigurista at magpa-check –up na!
SOURCES:
https://www.philcare.com.ph/5-things-to-know-before-taking-pap-smear/
https://www.verywell.com/your-first-pap-smear-what-to-expect-582026