#ITOANGSAFEMOTHERHOODSTORYKO: Nona Andaya-Castillo

nona-5

Nona Andaya-Castillo

International Board Certified Lactation Consultant (IBCLC)

Hindi ako ako lumaki sa gatas ng aking ina.  Kaya noong ako ay nabuntis nagbasa ako ng mga libro tungkol sa natural birthing at breastfeeding.  Dahil naging sakitin ako bilang bata, desidido akong magpasuso noong nalaman ko ang benepisyo nito.

Napaaga ng dalawang linggo ang aking panganaganak at sa kasamaang palad ay wala sa tabi ko ang aking asawa.  Mabuti na lang at handa ako at sa tulong ng aking tiya ay nadala ako sa ospital.  Pagkapanganak ko kay Sierra Isabelle idiniretso siya sa nursery.  Gusto kong magpasuso pero hindi ako pinayagang pumunta sa nursery.  Hindi ko raw siya puwedeng i-breastfeed.  Nang araw na iyon, pinainom siya ng formula milk.

nursery

Dalawang araw hindi nakita ni Nanay Nona ang sanggol dahil hindi pa strikto sa pagpapatupad ng rooming-in policy

Hindi ko alam ang karapatan kong magpasuso noong panahong iyon, kaya sinunod ko ang ospital.  Pero noong pangatlong araw ramdam kong sobrang dami na ng gatas sa aking dibdib dahil sumasakit na ito.  Pinakiusapan ko ang mga doktor at nurse na payagan na akong magpasuso para mabawasan ang pressure.  Sa wakas ay pinayagan nila ako.

Iyon ang unang beses kong mahawakan ang aking anak.  Tinignan ko ang kaniyang mga mata at maliliit na daliri.  Nalungkot talaga ako nang hindi ako pinayagan ng ospital na hawakan siya sa loob ng dalawang araw.  Matapos ko siyang mapasuso ay kinailangan ulit naming maghiwalay at dinala siya sa nursery.

Nang makauwi kami sabik akong magpasuso, at sinubukan ko ito agad para makabawi.  Pero napansin ko na hindi na ganoon kalaki ang aking dibdid.  Kapag pinisil ko naman ito ay kaunti lang ang tumutulong gatas, kaya inakala kong natuyo na ang gatas ko.  Talagang nalungkot ako dahil gustong gusto ko talagang mag-breastfeed.  Gusto akong tulungan ng aking asawa pero wala siyang magawa dahil wala siyang alam tungkol sa breastfeeding.

Sa sumunod na 15 na araw, formula milk ang pinainom ko sa aking anak.  Dahil na rin sa pagbabago sa hormones at hindi pagpapasuso, nagkaroon ako ng post-partum blues.  Iyak ako ng iyak.  Ang pagiging ina ay isang napakaganda at mahalagang gampanin, pero ito rin ay ikinatakot ko.

Litong lito ako kung ano ang ipapakain sa aking anak.  Gusto kong malaman kung ano ang pinakamainam na artificial milk.  Isang kaibigan ang nagbigay ng payo na subukan kong makipag-ugnayan sa isang breastfeeding support group.

Tumawag ako kay Ines Fernandez, executive director ng Arugaan.   Sa tawag na iyon, sinigurado niya sa akin na mayroon pa akong gatas at dapat ko subukan ulit na magpasuso.   Walang kapantay ang gatas ng ina ayon sa kaniya.

nona-1

Nanay Nona at baby Isabelle

 

Sa ika-15 na araw ni Isabelle, nakadepende na siya sa aking gatas.  Tinapon ko lahat ng bote at formula milk para magsimula ang aking relactation.   Nang gabing iyon kasama kong natulog ang aking anak sa kama, habang siya ay pinapasuso ko.  Masuwerte rin na hindi siya nalito sa paghakab at naging magana ang kaniyang pagdede.  Sabay kaming nagsikap para patuloy ang supply ng gatas sa aking dibdib.

Tuwang tuwa ako na nakakapag-exclusively breastfeed na ako.  Pero nag-alala ako dahil dalawang beses lang siya umihi nang gabing iyon, kumpara sa ilang beses niyang pagdumi noong formula ang gamit namin.  Inakala kong hindi sapat ang kaniyang nakukuha.  Pero kinalma ako ni Ines at sinabing ang gatas ng hayop ay maraming artificial at hindi naaayon na sangkap na masyadong mabigat para sa digestive at excretory system ng isang sanggol, kaya ito madalas dumumi noon.

Ang sunod kong problema ay ang pamamaga ng aking utong.  Matagal ko siya pinapasuso at sobrang sakit sa tuwing siya ay maghahakab. Para akong dextrose na nakabit sa isang sanggol.  Ang relactation ay isang nakakapagod na proseso.  Pero kung iisipin ko ngayon, marahil ito ay dulot ng mali kong posisyon sa pagpapasuso noon.

Malaki ang suporta ng aking ina, asawa at mga tiyahin sa aking pagpapasuso.  Tumulong sila sa gawaing bahay.  Bagamat payat ako at maging si Isabelle ay hindi rin masyado nagdagdag ng timbang, siya ay alert, perceptive at active.  Paglaon ay nagdagdag rin siya ng timbang.

Kinailangan kong bumalik sa trabaho at dumalo ng conference sa malalayong lugar.  Nagulat ako na napakarami ko pa ring gatas.  Sa panahong kailangan kong pumunta sa ibang bansa, nagulat ako sa aking pagbalik nang matuklasan ko na ang biyenan ko na 47 na taon na noong panahon na iyon, ay nagpapasuso sa anak ko!  Isang taon pang pinasuso ng aking biyenan si Isabelle.  Sobra-sobra ang pasasalamat ko!

Isang ganap na adult na si Isabelle ngayon, at madalang siyang nagkakasakit.  Ni hindi rin siya nagkaroon ng diarrhea, at lumaki siyang matalino.  Malapit siya sa akin, sa aking biyenan at sa aking asawa.

nona-collage

SafeBirth Seminar:  Secrets to a Joyful Breastfeeding

 

Ang breastfeeding journey ko na ito ang nag-udyok sa akin para tulungan ang ibang ina na magpasuso.  Naging adbokasiya ko ang pagpapalaganap, pagsuporta at pagprotekta rito.  Dahil dito nagkaroon ako ng oportunidad na makasalamuha ang iba’t ibang klaseng tao at makapunta sa iba’t ibang panig ng Pilipinas at mundo.

Taong 1996 noong ako ay naging breastfeeding counsellor, at 2004 nang naging isa ako sa tatlong Pilipinong accredited International Board Certified Lactation Consultant.

Ang pinakamagandang gantimpalang ng trabahong ito: ang makita ang maganang pagsuso ng isang sanggol sa kaniyang ina na isang paalala kung paano tayo inaaruga ni Inang Kalikasan.

May Safe Motherhood Story ka ba na nais mong ibahagi?

Maaaring bisitahin ang aming Facebook page at i-message kami para ibahagi ang iyong karanasan.

Adapted from http://www.nanaynona.com/blog/my-birthing-and-breastfeeding-story

 

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s