Ang Barangay Tatalon sa Quezon City, kung saan tabi-tabi ang kabahayan ay hindi ligtas sa nakakapaminsalang pagbaha tuwing malakas ang ulan. Apektado ang maraming pamilya sa lugar pero hindi ito naging sagabal sa ekslusibong pagpapasuso ng ilang mga ina sa lugar. Gatas ng ina ang naging sandata nila laban sa pagkagutom at pagkakasakit ng kanilang mga sanggol sa panahon ng sakuna.

First time mommy si Baby Jane Santos at dalawang buwan pa lamang ang kaniyang sanggol na si MJ nitong Agosto 2016. Dahil sa walang humpay na pag-ulan na dulot ng habagat, naging lagpas-tao ang baha sa lugar nila. Dala lamang ang damit na suot, kinailangan nilang mag-evacuate sa mas ligtas na lugar. Ang covered court ang nagsilbing tahanan nila sa loob ng mahigit dalawang araw. Tatlo pang ibang pamilya ang naging kahati ng pamilya ni Baby Jane sa kanilang espasyo sa basketball court. Simula pagkapanganak kay MJ ay ekslusibo niya itong pinasuso.

“Sabi nila mas mabuti magpadede dahil hindi nagiging sakitin ang bata at mabilis lumaki. Sa dalawang buwan, mabilis ang lumaki si MJ, naging mabigat at mataba,” ayon kay Baby Jane.
Sa kabila ng kanilang sitwasyon sa evacuation center hindi siya nahirapang pakainin ang anak. Habang sila ay umaasa sa limitadong relief goods, mabuti na lang at tuloy-tuloy ang kaniyang supply ng gatas. Dagdag pa ni Baby Jane, “Nakakatipid din po kami dahil hindi na kailangan bumili ng gatas. Diaper na lang ang kailangan pagkagastusan noong panahon na ‘yon.” Matapos ang malakas na ulan, sa kabila ng paglaganap ng sakit tulad ng ubo, sipon at diarrhea na karaniwang nangyayari sa panahon ng sakuna, nanatiling malusog ang sanggol na si MJ.
Maging ang tatlong anak ni Rosalie Romano na mula rin sa Barangay Tatalon ay hindi kailanman pinainom ng formula milk. Hindi naging hadlang ang ulan at bahang dulot ng habagat noong taong 2012 sa kaniyang pagpapasuso sa bunsong anak na si Eloisa Mae na ngayon ay apat na taong gulang na. “Sa kahirapan ng buhay ngayon, mas tipid ang pagpapasuso. Mas madali rin dahil hindi na kailangan magtimpla ng gatas at hindi pagising-gising sa gabi,” kuwento ni Rosalie.

Mahalaga ang nutrisyong nakukuha ng inang nagpapasuso. Ayon sa kaniya, “Kapag hindi maayos ang pagkain, kakaunti ang gatas. Maganda kung masustansya tulad ng isda, at gulay tulad ng malunggay at kalabasa.” Dahil limitado ang kanilang pagkain at lahat ng tindahan ay sarado, malaking tulong ang suporta ng kaniyang pamilya sa pamamagitan ng pagbibigay ng sapat na pagkain para patuloy na magkapagpasuso noong panahon ng kalamidad.
“Lahat ng anak ko malakas, at hindi pasaway. Hindi sila gaanong nagkakasakit at kung magkaroon man ay lagnat-lagnat lang,” pagmamalaki ni Rosalie. “Aanhin mo ang ibang gatas, kung mayroon ka naman. Mabuti na sa kalusugan, hindi pa nauubusan.”