Ang pangarap ng bawat magulang para sa kanilang anak ay maging malakas, malusog at matagumpay sa hinaharap. Ito ay lalong maisasakatuparan kung ang bawat nanay na magpapasuso sa kanilang anak lalo na sa loob ng First 1000 days nito.
Ang breastfeeding ay isang mahalagang hakbang sa loob ng First 1000 days ni baby. Sila ay mahalagang mabigyan ng sapat na nutrisyon na nagmumula sa gatas
ng ina para maabot nito ang kanyang potensiyal at
magkaroon ng magandang simula sa buhay.
Ayon sa mga pag-aaral, ang breastfeeding ay maraming benepisyo hindi lang sa nanay kundi pati sa sanggol na makatutulong sa ikatitibay ng kinabukasan nito. Ilan dito ay ang mga sumusunod:
1. Nagbibigay proteksyon laban sa sakit at impeksyon. Ang breast milk ay may colostrum na nagbibigay ng antibodies na nagsisilbing unang bakuna ng sanggol. Ang World Health Organization (WHO) ay inirerekomenda na magpasuso sa sanggol lalo na sa unang oras ng kanilang buhay.
2. Nagbibigay ng kumpletong nutrisyon. Ang breastmilk ay nagbibigay ng bitamina, mineral at enzymes na kailangan ng sanggol upang maging malusog. Bukod dito, ang breastmilk ay binubuo ng 88% na tubig na siyang nagbibigay ng sapat na fluid sa buong katawan. Ibig sabihin, hindi kailangang bigyan ng tubig ang baby lalo na sa unang anim na buwan nito.
3. Tumutulong sa pagpapatalino ng mga sanggol. Ang mga sanggol na breastfed ay lumalaking matalino at nagiging matagumpay sa buhay. Ang breastmilk ay may DHA (docasahexaenoic acid), lactose, good cholesterol, na tumutulong sa mental development ng bata. Bukod pa rito, ang mga bata ay nagkakaroon ng matibay na resistensya dahilan upang hindi lumiban sa klase at mapagbuti ang pag-aaral. Ayon sa pag-aaral, ang mga bata na pinasuso ng mas matagal ay higit pang magiging matalino at mas matagumpay. Kaya ang Department of Health (DOH) ay inirerekumenda na magpasuso ng higit pa sa 2 taon.
4. Makakaiwas sa mga komplikasyong pangkalusugan ang sanggol at nanay. Ang breastfeeding ay nagpapababa ng panganib ng pagkakaroon ng allergic diseases, asthma, obesity at type 2 diabetes. Ito ay makatutulong din sa mga nanay na maiwasan ang postpartum haemorrhage at mapababa ang tyansa sa pagkakaroon ng breast at ovarian cancer.
5. Makakatipid. Ang breastmilk ay libre kaya’t hindi kinakailangang bumili ng tsupon, bote at panglinis ng bote na ginagamit sa formula feeding. Makakatipid din ito sa oras dahil wala nang kinakailangang preparasyon ang mga nanay katulad ng pagtitimpla, paghuhugas, atbp. Bukod pa rito, maiiwasan ng mga nanay ang gastusing medical at kabawasan sa sweldo dahil sa pagliban sa trabaho dahil malayo sa sakit ang bata.
6. Makatutulong sa bonding ng mommy at baby. Ang breastfeeding ay makakatulong sa bond ni baby at ni mommy dahil sa skin-to-skin contact nito. Bukod pa rito, ang pagpapasuso ay naglalabas ng hormones na oxytocin o tinatawag na Happy Hormone upang gawing kalmado at relaxed si baby at mommy.
7. Nakakapagpababa ng timbang ng nanay. Ang breastfeeding ay nakakatulong na tunawin ang ekstrang calories sa katawan na maaring makatulong sa mabilisang pagpapapayat ni mommy.
8. Walang masamang epekto sa kalikasan. Ang breastfeeding ay hindi kinakailangan ng mga kagamitan o mga produkto na gumagawa ng kalat katulad ng lata at plastic. Sa pagpapasuso, nakakatulong pa ang pamilya sa kalikasan.
Ang pagpapasuso ay isang magandang puhunan para sa magandang kinabukasan ng mga sanggol, kung kaya’t hinihimok ng Department of Health ang mga nanay na magbreastfeed sa kani-kanilang anak lalo na sa First 1000 days nito upang maatim ang mga benepisyo nito.
Abangan ang iba pang susunod na First 1000 days articles na maaaring makatulong maging malusog at matibay ang inyong pamilya.