Breastfeeding Stories

Gatas ng Ina: Sagip-Buhay para sa mga Sanggol sa Panahon ng Kalamidad 

Ang Pilipinas ay hindi ligtas sa mga panganib na dulot ng bagyo, baha, lindol at tsunami.  Ayon sa 2015 World Risk Index report ang Pilipinas ay pangatlo sa mga bansang pinaka malapit sa kalamidad sa buong mundo.  Sa pagtataya ng PAGASA, ang nararanasan nating mga pag-ulan ay maaaring umabot hanggang Disyembre lalo na sa pagpasok ng naka-ambang La Niña.

IMG_0232

Sa panahon ng sakuna, pinakamataas ang pagkakasakit at pagkamatay sa mga bata at sanggol.  Mas bata ang edad, mas mataas ang panganib.  Kung kaya ang mga sanggol na may edad anim na buwan pababa ang dapat bigyan ng pangangalaga.  Kapag nakainom ang mga sanggol ng gatas na may kontaminadong tubig, o nakalagay sa maruming bote, maaari silang magkasakit ng diarrhea at mamatay sa loob lamang nang ilang oras.

Dito maaasahan ang kagalingan ng breast milk. Narito ang ilan sa mga dahilan kung bakit pinakamainam ang gatas ng ina sa panahon ng kalamidad:

IMG_3789

Breast is best.

Ang gatas ng ina ang nagbibigay ng pinakamataas na proteksyon sa sanggol laban sa mga sakit, tulad ng respiratory diseases, pagtatae at malnutrisyon na maaring ikamatay ng sanggol. Pinalalakas ng gatas ng ina ang resistenya ng mga bagong panganak na sanggol upang mapanatili silang malusog.

Tandaan na sapat at angkop ang sustansya ng gatas ng ina para sa sanggol. Hindi matutumbasan ng formula milk ang sustansya at benepisyo nito.

Posible ang pagpapasuso sa kahit anong panahon.

Ito ay nananatiling ligtas ano man ang klima, tag-araw man o tag-ulan. Makakaiwas ang sanggol mula sa panganib ng pag-inom ng kontaminadong tubig na maaring idulot ng formula feeding.  Hindi na nangangailangan ng ano pa mang kagamitan tulad ng bote at tsupon na maaaring magkaroon ng mikrobyo.

Ang pagpapasuso ay nabibigay-ginhawa sa ina at sanggol.

Dahil sa oxytocin o mas kilala sa tawag na happy hormone na aktibo sa katawan ng ina sa panahon ng pagpapasuso ay nagiging kalmado ang pakiramdaman ng nanay. Naibibigay din ito ng pisyologikal at emosyonal na pangangailangan ng sanggol. Nararamdaman niya na patuloy siyang inaaruga at minamahal ng mga tao sa kaniyang paligid.  Nababawasan ang tensyon at stress na nararamdaman ng mag-ina sa kapag nakakaranas ng sakuna.

Ito ay hindi nakapipinsala sa ating kapaligiran.

Dahil hindi kailangan ng gamit tulad ng bote at tsupon, nakakaiwas tayo sa lalong pagpapalala ng kalagayan ng ating kapaligiran na nagdudulot ng climate change hazards.  Wala itong iniaambag sa pagkasira ng ating kalikasan na dulot ng mga basura tulad ng plastik, bote, karton at foil. Hindi rin ito lumilikha ng polusyon na karaniwang nililikha ng paggawa ng formula milk.

Ang pagpapasuso ay LIBRE, ANGKOP, SAPAT at LIGTAS.  Sa katunayan, hindi lang ito pagkain bagkus ay nagsisilbing gamot at proteksyon para sa mga sanggol. ‘Di matatawaran ang benepisyo nito hindi lang para sa ina at sanggol, kung hindi para sa buong komunidad.

Sa panahon ng disaster kung saan libo-libong biktima ang nangangailangan ng tulong mula sa gobyerno o ibang institusyon para tugunan ang pangangailangan sa pagkain at gamot, siguradong maasahan ang natural na biyaya ng gatas ng ina. ###

Sources:

http://www.nnc.gov.ph/39-featured-articles/1636-action-against-hunger-urges-pres-duterte-to-drive-change-on-development-issues-in-the-philippines

http://www.gmanetwork.com/news/story/323652/lifestyle/healthandwellness/unicef-mothers-should-continue-to-breastfeed-in-disasters-emergencies

http://www.who.int/mediacentre/news/releases/2013/philippines-breastfeeding-20131128/en/

 

Leave a Reply