Ang pundasyon ng maganda at malusog na kinabukasan ng isang bata ay nagsisimula sa isang simpleng hakbang – ang pag-aalaga ng isang babae sa kanyang sarili bago at habang nagbubuntis.
Ang pangangalaga sa sarili bago magbuntis ay mahalaga upang masiguro ang malusog na pangangatawan. Maaaring makamit ito sa pamamagitan ng sumusunod:
- Pag-iwas sa paninigarilyo, pag-inom ng alcohol at paggamit ng droga
- Pag-inom araw-araw ng folic acid
- Pagkontrol ng mga medical conditions (e.g. diabetes, hypertension)
- Pagkakaroon ng tamang timbang sa pamamagitan ng pagkain ng tama at masustansya; at regular na pag-eehersisyo
Sa unang tanda ng pagbubuntis, dapat simulan ng isang babae ang pag-aalaga sa sarili sa pamamagitan ng pagpapa check-up sa mga midwife, doktor o nurse. Ang kalusugan ng nanay at baby ang binabantayan tuwing prenatal check-up.
Mahalaga ang prenatal check-up dahil ito ay makatutulong na matukoy ang problema sa pagbubuntis kung meron, at maagang malapatan ng lunas habang nagbubuntis. Nakatutulong din ito na maiwasan ang panganib o komplikasyon ng pagbubuntis tulad ng anemia, preeclampsia, diabetes, atbp. Ito din ang pagkakataon na tinuturuan ang mga nanay sa tamang pag-aalaga sa sarili tulad ng mga tamang ehersiyo, mga bitamina na dapat inumin, mga pagkain na dapat kainin (e.g. gulay, prutas, isda, etc.) at ang mga pagkain at gawaing dapat iwasan.
Sa prenatal-check-up, ang mga sumusunod ay maaring pagusapan o ipagawa ng mga medical providers:
- Medical history
- Due date
- Laboratory examinations at ultrasound
- Tetanus toxoid shots
- Physical examination
Ayon sa pag-aaral, ang mga nanay na hindi nagpapatingin sa panahon ng pagbubuntis ay mas mataas ang tyansa na ang sanggol ay may mababang timbang pagkapanganak (low birth weight) at may mataas ding tyansa na mamatay ang sanggol nito kaysa sa mga nanay na nagpapatingin sa panahon ng pagbubuntis. Ang mga sanggol na may low birth weight ay mataas din ang panganib ng komplikasyon dahil sa mahinang pangangatawan upang labanan ang impeksyon.
Sa magandang kinabukasan ni baby, regular na bumista at magpatingin sa mga midwife, doktor, at nurse.